Mga kabahayan sa DonVictor Ville, pormal nang ipinagkaloob

PIO Lucena, 2017-01-12
Pormal nang ipinagkaloob sa tinatayang mahigt na 40 mga benipisyaryo ang kanilang murang pabahay sa DonVictor Ville.

Isinagawa ang naturang aktibidad sa mismong lugar na kinatatayuan nito jkahapon ng umaga.

Nagsimula ang nasabing programa sa isang misa na pinangunahan ni Father Francis Bingco na dinaluhan naman ng mga benipisyaryo nito at ng kanilang pamilya.

Present rin sa nabanggit na misa sina Mayor Roderick “Dondon” Alcala, Vice Mayor Philip Castillo, mga konsehal na sina Third Alcala, Benny Brizuela, Vic Paulo, Dan Zaballero, ABC President Boy Jaca at Brgy. Silangang Mayao Chairwoman Nieves Maaño at mga kagawad nito.

Gayundin dumalo rin dito ang mga kinatawan mula sa Pag-Ibig Fund, Calmar Land Development, mga opisyales ng PISTOL, mga department heads at ilang kawani ng pamahalaang panlungsod.

Matapos ang isinagawang misa, isinunod naman dito ang blessing para sa mga kabahayan sa lugar na pinangunahan nina Father Bingco at Mayor Dondon Alcala.

Samantala sa isinagawang maiksing programa, nagbigay ng mensahe si Mayor Alcala sa lahat ng mga nabiyayaan ng murang pabahay na ito. Ayon sa alkalde, napakasaya ng araw na iyon para sa kaniya dahilan sa natupad na ang isa sa mga pangarap niya at ito ay ang pagkakaloob ng murang pabahay para sa mga empleyado ng pamahalaang panlungsod at sa ilang mga jeepney operators at drivers.

Ayon pa sa punong ungsod, matagal na niyang pinapangarap ang programang ito para sa nasabing mga benipisyaryo. Dagdag pa ng alkalde, ang murang pabahay na ito ay nagkakahalaga lamang ng tinatayang nasa P450,000. Pinasalamatan rin ni Mayor Alcala, ang Calmar Land Development, sa pangunguna ni Engineer Rey Calayan, sa tulong nito upang maisakatuparan ang proyektong ito.

Labis naman ang pasasalamat ng mga nabiyayaan ng murang pabahay na ito ng pamahalaang panlungsod lalo’t higit kay Mayor Dondon Alcala sa programang ito at nagkaroon sila ng pagkakataon na magkaroon ng sariling tahanan.

Ang murang pabahay na ito na proyekto ni Mayor DOndon Alcala ay magtutuloy-tuloy pa at batay na rin sa inihayag ng alkalde, aabot pa sa mahigt na 500 ang mabibiyayaan nito dahil isa sa mga ninanais niya ay magkaroon ang mga ito ng sariling bahay sa murang halaga.