Baccalaureate mass ng mga magsisipagtapos sa DLL, dinaluhan ni Mayor Dondon Alcala

PIO Lucena, 2017-05-19
Kasabay ng mga programa sa nalalapit na pagtatapos ng mga mag-aaral ng Dalubhasaang Lungsod ng Lucena, isang baccalaureate mass ang isinagawa para sa mga ito kahapon ng umaga.

At bilang tinaguriang “daddy” ng mga estudyante dito, dumalo sa aktibidad na ito si ang punong lungsod na si Mayor Roderick “Dondon” Alcala.

Present rin dito ang dekana ng DLL na si Dra. Mercidita Torress at ilang mga guro mula sa naturang paaralan.

Sinimulan ang nasabing okasyon sa pamamagitan ng isang misa at sa naging homily ng paring nanguna sa misang ito, sinabi nito na natutuwa siya sa dami ng bilang ng mga magsisipagtapos ngayon sa DLL.

Gayundin pinaalala nito sa lahat na dapat nilang ipagpasalamat kay Mayor Dondon Alcala ang mahalagang okasyon na ito na aniya ay tunay na tumulong para sa mga kabataang magsisipagtapos.

Ito aniya ay dahilan sa ginawa nitong libreng pagpapa-aral sa nabanggit na paaralan na malaki ang naitulong lalo’t higit sa mga mahihirap na Lucenahin na nagnanais na makatapos sa kanilang pag-aaral.

At matapos ang naging misa nito, nagbigay naman ng mensahe ang alkalde sa lahat ng mga magsisipagtapos na estudyante ng DLL. Ayon kay Mayor Alcala, ipinaalala nito ang kwento tungkol sa isang batang namamalimos araw-araw upang magkaroon lamang ng pagkain.

Batay sa kwento, may isang araw na kumatok ito sa tahanan ng isang babae na kung saan ay nang makita ito ng may-ari ng bahay ay agad itong kumuha ng isang basong gatas at ipinainom dito. At makalipas ang matagal na panahon, dinapuan ng malubhang sakit ang babae at walang kahit na sinuman ang makapagpagaling dito mabilan sa isang espesyalista na si Dr. Howard Kelly.

Matagal at mahabang proseso ang naging gamutan ng babae at bagamat alam niyang malaki ang babayaran niya sa ospital ay hiningi niya ang bill sa isang nurse.

Makalipass ang ilang oras, inihatid sa kaniya ang bill na kung saan ay nakasulat dito ang isang katagang, “Paid in full with a glass of milk”. Ang kwentong itoang nais ni Mayor Dondon Alcala na maging inspirasyon sa lahat ng mga gra-graduates sa naturang paaralan.

Na sa kwentong ito, hindi aniya hadlang ang pagiging mahirap upang makamit ang isang maayos na edukasyon. Nais rin ng kaniyang administrasyon na ang edukasyon ay hindi lamang eksklusibo para sa mga mamamayang may kakayahang magbayad.

Dagdag pa ng punong lungsod, sa kaniyang panunungkulan, ginawa niyang possible at sinasabi ng iba na imposible at ito ay ang paglilibre ng lahat ng bayarin sa DLL.

Buong ipinagmamalaki rin ng alkalde ang graduates ng batch 2017 na naging produkto ng kauna-unahang libreng tuition sa simula ng maging punong lungsod siya ng Lucena.

Matapos ang naging pananalita ni Mayor Alcala, lubos namang nagpasalamat ang mga magsisipagtapos na estudyante at magulang ng mga ito sa alkalde dahilan sa programang ito.

Sadyang pinatunayan lamang ng adminsitrasyon ni Mayor Dondon Alcala na sa bagong Lucena ay hindi hadlang ang pagiging mahirap upang magkaroon ng maayos at dekalidad na edukasyon at maabot ang kanilang pangarap na makapagtapos ng kanilang pag-aaral.