Bagong tayong school building sa Talao-Talao Elementary School, pormal nang pinasinayaan

PIO Lucena, 2017-07-17
Isa na namang panibagong school building ang pormal na pinasinayaan bilang bahagi ng mga proyektong pang-imprastraktura ni Congressman Vicente “Kulit” Alcala kamakailan.


Ang naturang bagong tayong 2 storey 4 classroom building na ito ay nasa Talao-Talao Elementary School.


Pinangunahan ni Congressman Kulit Alcala ang pagpapasinaya sa naturang pasilidad na kung saan ay nakasama nito sina Mayor Roderick “dondon” Alcala, 2nd District Board Members Hermilando “Ka Eming” Alcala at Beth Sio, at mga Konsehal na sina Vic Paulo at Jacinto “Boy” Jaca.


Present rin sa naturang aktibidad ang kapitan ng Brgy. Talao-Talao na si Chairman Reil Briones at ang lahat ng mga kagawad nito.


Nagsimula ang naturang okasyon sa pamamagitan ng isinagawang ribbon cutting na pinangunahan ng mga nasabing personalidad kasunod ang isang misa ng pagbabasbas sa bagong tayong school building na nabanggit.


Matapos nito ay isa-siang nagbigay ng kani-kaniyang mga mensahe ang nabanggit na opisyales.


Sa naging pananalita ni Mayor Dondon Alcala, pinasalamatan nito si Congressman Kulit Alcala sa pagdadala ng mga ganitong uri ng programa sa lungsod ng Bagong Lucena.


Aniya isang malaking tulong ito para sa mga Lucenahin, lalo’t higit ang mga kabataan, upang mas mahasa pa ang kanilang pag-aaral.


Samantala, inilahad naman ni Congressman Kulit Alcala sa kaniyang pananalita ang lahat ng mga programa at proyekto na kaniyang nagawa at patuloy na gagawin pa para sa mga bayan sa segunda distrito ng Quezon.


Ilan aniya sa mga programang ito ay ang pagtatayo ng mga school buildings, mga covered court at iba pang infrastructure projects na tiyak aniyang nakakatulong para sa mga mamamayan dito.


Dagdag pa ng kongresista, ang mga programang ito para sa segunda distrito ng lalawigan ay patuloy isinasagawa sa tulong na rin aniya ng Dtirct Engineering Department.


Ayon pa rin sa kongresista, patuloy rin ang pagsasagawa ng paglalagay ng mga school buildings sa mga paaralan ng iba’t-ibang barangay sa iba’t-ibang bayan sa ikalawang distrito ng Quezon upang sa ganun ay magamit ng mga mag-aaral dito ngayong pasukan at mapunan ang mga pagkukulang ng mga silid aralan sa mga paaralan.


Lubos naman ang naging pasasalamat ni Brgy. Chairman Reil Briones at ang lahat ng bumubo ng Sanggunaing Barangay ng Talao-Talao kay Congressman Kulit Alcala sa walang sawang pagtulong at pagdadala nito ng mga programa at proyekto sa kanilang barangay.


Taus puso rin ang naging pasasalamat ng principal, mga guro sa nasabing paaralan, maging ang mga magulang at mag-aaral dito sa mga nasabing opisyales dahilan sa mas magiging maginhawa na anila ang kanilang pag-aaral sa pagkakaroon ng ganitong uri ng pasilidad.


Ang pagpapatayo ng naturang school building ay ilan lamang sa mga programa at proyekto ni Congressman Vicente “Kulit” Alcala para sa mga mamamayan ng segunda distrito ng lalawigan ng Quezon dahil sa kagaya ni Mayor Dondon Alcala para sa mga estudyante ng lungsod ng Lucena, ay ninanais ng mga ito maging dekalidad at tumaas pa ang antas ng edukasyon ng mga estudyante sa kanilang nasasakupan.