Mayor Dondon Alcala nagbigay paalala sa mga bagong magnenegosyo sa lungsod

PIO Lucena, 2017-07-20
“Tanging pakiusap ko lamang po sa inyo ay kung sakaling mangangailangan po kayo ng mga tauhan, ay kung maaring ang kunin ninyo ay mga Lucenahin.”


Ito ang naging kahilingan ni Mayor Roderick “Dondon” Alcala sa lahat ng mga nagmamay-ari ng bagong negosyo sa lungsod.


Inihayag ng alkalde ang munting kahilingan nito sa ginanap na pagpupulong sa mga bagong business owners sa Lucena sa loob ng conference room ng Mayor’s Office.


Dagdag pa ni Mayor Dondon Alcala, ang mga lehitimong Lucenahin na tinutukoy niyang dapat kuning empleyado ng mga ito ay kinakailangang rehistradong botante ng lungsod.


Maari rin aniyang magpatulong ang mga ito sa tanggapan ng City Public Employment and Services Office upang humanap ng mga trabahador at tinitiyak naman ng naturang opisina na ang kanilang ibibigay sa mga ito ay mapagkakatiwalaan.


Dagdag pa rin ng punong lungsod, ang mga empleyadong manggagaling sa PESO ay pinagkakalooban rin nila ng libreng medical check-up at pagkuha ng police clearance.


At sakali namang mayroon ng mga empleyado ang bagong itatayong negosyo sa Lucena, hiniling ni Mayor Alcala sa mga ito na kung maari iparehistro ang mga ito sa lungsod.


Paliwanag pa ng alkalde na mayroon ngayong ipinaiiral na ordinansa ang pamahalaang panlungsod na kung saan ay sinasabi dito na kinakailangan na ang lahat ng empleyado ng isang business establishment ay mga Lucenahin.


At matapos ang ginawang pakikipagpulong ni Mayor Alcala sa mga ito ay isa-isa na niyang pinirmahan ang mga aplikasyon ng mga ito na nagpapatunay na maari na silang magnegosyo sa Bagong Lucena.


Sa ngayon ay patuloy pa rin ang pagdagsa ng iba’t-ibang uri ng negosyo sa lungsod na isang patunay na tuloy-tuloy pa rin ito sa pag-unlad at bukod dito, maraming negosyante ang patuloy pa rin na nagtitiwala sa magandang pamamalakad ni Mayor Dondon Alcala sa lungsod.