Latest News |
| January 3, 2013 PRESS RELEASE
LUCENA CITY - Mas maayos at mas may sistemang pamamaraan ang ipinairal ng tanggapan ng Business Permit and Licensing Office sa unang arangkada ng Business Application at Renewal kahapon.
Sama-samang nag opisina , sa pangunguna ni Lucena City Mayor Roderick “Dondon” Alcala, ang mga kinauukulang ahensya, tulad ng Bureau of Fire, City Health, at iba pang kaugnay na opisina sa tanggapan ng BPLO upang mas mabilis na maiproseso ang lahat ng mga business application at renewal.
Sa panayam kay Mayor Dondon Alcala, sinabi niya na nilagyan nila ito ng sistema kung saan noon pang nakaraang taon ay nagpadala na sila ng business application renewal form sa mahigit 4-libong business establishment sa lungsod.
Sa ganitong sistema, sinabi ng alkalde na hindi na kinakailangan pang maabala ng lahat ng mga magre-renew at magiging tuloy-tuloy ang daloy ng bawat aplikasyon. Nakahanda na rin umano ang lahat ng mga departmentong dapat na pumirma sapagkat ang mga ito ay pinakiusapan na niya na mag opisina sa BPLO.
Muling binanggit ng alkalde na libre ang notaryo ng bawat business application at mas mababa na rin ng P55.00 ang halaga ng business plate, kung saan mula sa P150.00 ay umaabot na lamang ito sa P95.00
Binigyang diin din ni Mayor Dondon Alcala na ang lungsod ng Lucena ay bukas para sa lahat ng mga investor sapagkat batid niyang ito ang kailangan ng mga Lucenahin para sa dagdag na kita ng pamahalaang panglungsod at hanapbuhay ng mga tagarito.
Kaugnay nito, sinabi naman ni Mr. Roderick Abella, hepe ng BPLO na sa abot ng kanilang makakaya ay sisikapin nila na mas mapaganda pa ang serbisyo para sa mga negosyanteng Lucenahin. (PIO)
|
|
|