| Land Titling Computerization, nakatakdang ipairal ng RD-Lucena
Press Release - January 7, 2013
LUCENA CITY - Sinimulan ng ipairal sa lungsod na ito ang Land Titling Computerization Program o LDCP sa pamamagitan ng Registry of Deeds. Sa flag raising ceremony kanina, sinabi ni Atty. Patrick Wendell Ilagan, hepe ng RD-Lucena, ang LDCP ay ang 4th phase program ng Land Registration Authority kung saan ang lahat ng sangay ng Registry of Deeds ay dapat tumugon.
Aminado naman ang opisyal na sa bagong sistema na ipinaiiral ay mayroong kaakibat na advantages at disadvantages, kabilang na dito ang pagbagal sa proseso ng registration at mas mataas na bayarin na aabot ng 200 hanggang 300% dahil sa IT fee na ipinatong ng ahensya.
Sa bentahe naman ng bagong teknolohiya sa pagrerehistro, sinabi ni Atty. Ilagan na maiiwasan na ang pagkawala o distraction ng mga original land title na nasa kanilang pag-iingat sapagkat lahat ng mga ito ay nasa data base na, walang overlapping sa mga boundaries at pwede na ang tinatawag na “anywhere to anywhere transaction”.
Noong nakaraang taon, umabot sa P13,590,978.00 ang kabuuang koleksyon ng registry of deeds sa lungsod ng Lucena na kinapaloban ng paniningil sa registration fee at real property tax.
Samantala, inisa-isa naman ni City Administrator Anacleto Alcala Jr. ang mga naging accomplishment ni mayor Roderick “Dondon” Alcala noong nakaraang taon mula ng umupo ito bilang alkalde ng lungsod. Ilan sa mga ito ay ang isinagawang Business Forum, pamamahagi ng certified seeds, livestock, general assembly at iba pa.
Ayon kay Administrator Alcala, ngayong taong 2013, higit na pagtutuunan ng pansin ng administrasyon ni Mayor Dondon Alcala ang kalinisan at ang waste segregation sa lungsod, gayundin ang ukol sa maayos na daloy ng trapiko upang makamit ang mithiin na mapabilang ang lungsod sa mga nangungunang highly urbanized city sa bansa.(PIO-LUCENA) vvm
|