Calendar of Events
Live. Love. Lucena
 
Home
 
  Lucena Hymn
Philgeps
BUSINESS PERMIT & LICENSING OFFICE

Latest News
Pagtatayo ng 2 satellite market sa Lucena City, naikasa na

Press Release - January 17

LUCENA CITY - Nakatakdang umpisahan ang konstruksyon ng dalawang satellite market sa dalawang malaking barangay ng lungsod na ito. Sa isang pahayag, sinabi ni Mayor Dondon Alcala, na ang dalawang satellite market ay itatayo sa mga barangay ng Ibabang Dupay at Gulang-Gulang.

Ang naturang proyekto ay may kabuuang pondo na P25 milyon. P15 milyon ang nakalaan para sa Ibabang Dupay at P10 milyon para sa Gulang-Gulang. Plano itong simulan sa ikatlong linggo ng buwang ito.

Ayon kay Mayor Dondon Alcala, isa sa mga pangunahing layunin ng pagtatayo ng dalawang satellite market ay upang mapagaan ang daloy ng trapiko sa mga kalsada sa paligid ng Pamilihang Panglungsod na kasalakuyang nasa bahagi ng Merchant Street, kung saan malimit na sumikip ang daloy ng trapiko dahil sa dami ng mga mamimiling nagtutungo doon at malaking volume ng mga sasakyan, particular ng mga tricycle.

Sinabi pa ng alkalde na inaasahan nila na ang malalaking proyekto na ito ng lungsod ay makaka-engganyo din ng mga mamimili mula sa mga kalapit bayan dahil mas magiging maalwan ang pagtungo at pamimili doon na magdudulot naman ng dagdag na kita sa hanay ng mga maninindahang Lucenahin.

Kaugnay nito, nilinaw naman ni Mayor Dondon Alcala na ang halagang P25-milyon ay hindi manggagaling sa kaban ng Pamahalaang Panglungsod sapagkat ito ay magmumula sa national government bilang ayuda sa lokal na pamahalaan.

Samantala, nakatakda na ring umpisahan ang konstruksyon ng labing-walong farm to market roads sa labing-walong agrikultural na mga barangay ng lungsod. Bawat isa sa mga kalsadang ito ay may nakalaang P1-M hanggang P2.5 milyong piso na muli ay nagmula sa national government . Nagkaroon na ng coordination meeting ang pamunuan ng lungsod ng Lucena sa Department of Public Works and Highways (DPWH) ukol sa asphalt overlay ng nasabing mga kalsada. (PIO-LUCENA)

 

 
 
Copyright © 2010 City Government of Lucena in Cooperation with Qtech BSI.